Linggo, Setyembre 25, 2016

IKAW AY PINOY KUNG…

IKAW AY PINOY KUNG...

Ang kulturang Pilipino ay sinasabing halo-halong mga impluwensya ng mga mangangalakal noong unang panahon nang hindi pa dumating ang mga mananakop sa ating bansa ayon kay Krister Anne L. Baylosis at Jessamari Rogene R. Garcia. Sinasabi na ang mga mangangalakal noong unang panahon na nangaling pa sa ibat’ibang dako nang mundo ay pumunta sa Pilipinas at dahil dito naimpluwensyahan nito ang mga katutubong Pilipino sa kanilang mga kultura halimbawa nito ang paniniwala ng mga kautubong Pilipino sa ‘karma’ na dapat ito ay paniniwala lamang ng ibang mga bansa halimbawa ay India.
            Sa pagdating na ng mga mananakop dito sa Pilipinas  tulad nang mga Kastila, Americano, at Hapones ang mga Pilipino ay meron nang mga kulturang pinayaman sa kanilang araw-araw na pamumuhay ngunit sa pagdating ng mga mananakop ito ay naging malaking kontribusyon sa pagunlad ng mga kultura sa Pilipinas lalo na sa mga Kastila na nanatili sa bansa sa loob ng tatlong daang taon. Isa na dito ang Kristyanismo na naging pinakamalaking kontribusyon ng Kastila sa bansa na hanggang ngayon ay pinagpatuloy paring pinayabong. Edukasyon naman sa mga Amerikano na malimitan lamang makamit sa panahon ng mga Kastila. Sa panahon naman ng mga Hapones napayabong ang mga sining sa pagsulat. . Ang kultura ay ang paraan ng pamumuhay ng mga tao na naninirahan sa isang lipunan na nagpapakita ng kaugalian, tradisyon, mga sining, sistema ng edukasyon, musika at pamahalaan.

            Ikaw ay Pinoy kung alam mo ang mga sumusunod na kulturang ito:

A. Bayanihan


            Nagmula ang salitang bayanihan nang gamitin ito ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong sa pagbubuhat at paglilipat ng mga gamit ng isang pamilya o taong maninirahan sa ibang lugar. Kasama sa proseso ng bayanihan ang pagbubuhat ng bahay patungo sa bago nitong lokasyon. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kawayan sa gilid ng bahay hanggang sa maiangat ito at madala sa ibang lugar. Bahagi na rin ng tradisyong ito ang pagkakaroon ng isang maliit na pista bilang pasasalamat ng naglipat na pamilya sa mga tumulong sa kanila.


Mga taong nagbabayanihan sa kanilang barangay



B. Pagmamano


            Ang pagmamano ay kaugalian ng mga Pilipino upang ipakita ang paggalang sa nakatatanda. Tinutukoy nito ang pagkuha sa kamay ng nakatatanda at paglapat nito sa noo, sabay ang pagsabi ng mano po. Madalas itong ginagawa bilang pagbati sa pagdating o bago umalis. Maagang itinuturo sa mga bata ang pagmamano bilang isang tanda ng paggalang.


Batang nagmamano sa isang matandang lalaki


C. Paggamit ng Po at Opo

            Ginagamit din ng mga Pilipino ang mga salitang po at opo bilang tanda ng paggalang sa kausap. Karaniwang sinusundan ng salitang po ang mga salita sa pag-uusap. Ang opo naman ay nagsisilbing isang magalang na paraan ng pagsasabi ng oo. Maaari din namang gamitin ang ho at oho kapalit ng po at opo.



D. Harana

            Ang harana ay isang paraan ng mga Pilipino para ipahayag ang kanilang nararamdaman sa isang babae. Ang harana ay ginagawa sa gabi pwede  itong gawin na merong kasama o isa lamang. Sa harana kumakanta ang lalaking umiibig na may kasamang pagtugtug ng instrument para pahulugin ang damdamin ng babae. Isa rin itong paraan ng pagrespeto sa pamilya ng babae.


Lalaking nagpapahiwatig ng kanyang damdamin sa paghaharana

E. Pamamanhikan

            Kapag napagkasundo na ang lalaki at babae na magpakasal kasunod naman nito ang pamamanhikan. Sa okasyon na ito pormal na hihingiiin ng lalaki ang kamay ng babae sa kanyang mga magulang sa panahon din na to pinaguusapan ang mga detalya para sa kasal tulad ng petsa, lugar, mga imbitado at iba pa. Sa isang pamamanhikan normal na magdala ang pamilya ng lalaki ng mga pagkain para pagsalusaluhanhan ng kanilang mga pamilya.

Mga pamilyang nagsasama-sama sa pamamanhikan


FFolk Dance o Katutubong Sayaw



        Karamihan sa ating mga Pilipino ay tumatangkilik sa ating mga sayaw sa Pilipinas. Isa na sa mga tinatangkilik na sayaw ay ang ‘Folk Dance’ o Katutubong Sayaw. Ang mga sayaw na ito ay sumisimbolo sa isang pagiging purong Pilipino, ang mga aksyon sa pagsasayaw sa Folk Dance ay sumasalamin sa katangian ng isang Pilipino at Pilipina. Isa nang halimbawa ditto ay ang Cariñosa (o Karinyosa) na sinasayaw na parang nagliligawan ang babae at lalaki at nagpapakita ng pagsisinta sa isa’t isa.
Nagsasayaw ng Cariñosa

G. Larong Pinoy


            Bago pa nauso ang mga gadyet tulad ng mga kumpyuter at ipod ang mga libangan ng mga Pilipino noon ay ang paglalaro sa ilalim ng araw. Halimbawa ng mga laro ay, Patintero at Tumbang preso. Ang Patintero ay nilalaro sa loob ng mga linya ng parisukat at parihaba na ang mga taya ay huhulihin ang mga tumatawid habang nakaapak lamang sa linya at ang mga manlalaro naman ay kailangang tumawid sa dulo ng linya ng hindi nahuhuli. Ang Tumbang preso naman ay gumagamit ng tsinelas at lata, na kung saan ang taya ay magbabantay sa lata at sa mga manlalaro, kung matumba ang lata dapat itong itayo ng taya at habulin ang mga pumulot ng kanilang tsinelas na wala sa linya. 


H. Palangiti

            Ang mga Pilipino ay kilala sa buong mundo bilang mga taong palangiti, mga positibo at tumitingin lang sa hinaharap. Na kahit anong kalamidad ang dumating sa bansa mapa bagyo man, lindol o baha ang mga pinoy ay ngumingiti parin pagkatapos ng kalamidad. Ito ay isang patunay kung gaano katatag ang mga mamamayang Pilipino.

Mga Pilipino sa gitna ng baha

I. Fiesta o Pista


            Ang mga makukulay at magagarang pista ay isang tunay na kayaman ng Pilipinas. Kung ikaw ay isang turista o turista sa sariling bansa di mo dapat ito palampasin. Ang mga pista sa Pilipinas ay ginugunita sa lahat ng dako sa bansa simula  Enero hanggang Disyembre. Ginugunita ang mga pista para sa pagpapasalamat sa  mga diyos ng kalikasan para sa masaganang ani o sa pagpapasalamat sa Diyos o sa mga santo. Isa sa mga kilalang pista sa Pilipinas ay ang Ati-atihan Festival na ginugunita sa ikatlong lingo ng Enero sa Kalibo Aklan, bilang  pagdakila sa Sto. Niño.

Mananayaw sa pista ni Sr. Sto. Niño.


            Marami pang kultura ang nasa Pilipinas na kailangan pa nating tuklasin ay payabungin. Ang importante dito ay atin itong pahalagahan dahil ito rin ang magiging susi ng ating kinabukasan.